MALIIT lamang ang magiging epekto ng El Niño phenomenon sa agrikultura sa bansa, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).
Ayon kay NEDA Assistant Secretary Mercedita Sombilla, may epekto ang tagtuyot dahil hindi naman mawawala ito, pero hindi ito matindi.
Ani Sombilla, ilang magsasaka sa Nueva Ecija ang nagsabi sa kanya na umaani pa rin sila ng sapat na pananim sa gitna ng epekto ng El Niño.
Nakatulong din, aniya, ang maagang paghahanda ng Department of Agriculture (DA) matapos na magbabala ang PAGASA sa posibilidad ng tagtuyot.
“Nagsasabi na sila (DA) sa mga farmer na pagdating ng ganito huwag muna kayong magtanim o bibigyan nila ng pananim na drought resistant para ang income nila hindi maapektuhan, para makakapag-ani nang makakapag-ani,” ani Sombilla.
Paliwanag pa ni Sombilla, makapagpoprodyus ang mga magsasaka ng mga pananim sa kabila ng epekto ng El Niño sa pagbalam sa kanilang period of harvest hanggang dumating ang tag-ulan.
“Kung saka-sakali na may mga farmer na nakaranas talaga ng drought, ide-delay lang nila ‘yung planting. So ‘pag nag-harvest, sila hindi sila magpa-plant agad hanggang sa pagdating ng rainy season,” aniya.
Gayunman, sa Occidental Mindoro ay iniulat ng isang opisyal mula sa Office of the Provincial Agricultur-ist na pumalo na sa P160 million ang pinsala sa agrikultura dahil sa tagtuyot.