INI-REPORT ng mga retailer sa Maynila na ramdam nila ang mas maraming suplay ng imported rice kaysa local rice sa merkado.
Ito anila ay kahit hindi pa man tuluyang naipatutupad ang rice tariffication law, ang batas na mag-aalis ng limitasyon sa iaangkat na bigas sa bansa.
Ayon sa isang rice retailer, bumabaha ang mga imported na bigas sa mga pinagkukunan nilang warehouse na karamihan ay nasa Metro Manila.
Ang dating P2,200 kada sako o 50 kilos na bigas galing Thailand na 5 porsiyentong “broken” o whole grain rice ay P2,000 na lang. Dati itong ibinebenta ng P50 kada kilo pero sa ngayon ay P45 hanggang P47 kada kilo na lang ang bentahan nito.
Samantala, ang pinakamurang local rice na ibinebenta sa naturang pamilihan ay P40 hanggang P43 kada kilo.
Ayon sa mga rice retailer, karamihan sa mga imported na bigas ay galing Myanmar, Pakistan, Vietnam at Thailand.
Nagbebenta pa rin ang mga rice retailer ng P27 at P32 per kilo na NFA rice at mas pinipili pa raw ito ng mga mamimili.
Nauna nang sinabi ng gobyerno na inaasahan ang kaltas sa presyo ng bigas sa tuluyang pag-arangkada ng rice tariffication.
Samantala, magsasagawa raw ang Department of Agriculture (DA) ng mga serye ng konsultasyon kaugnay ng ipinasang batas.
Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na “by cluster” ang gagawin nilang konsultasyon para makuha ang hinaing ng mga magsasaka ng palay, maging ng rice millers at feed millers.
Dagdag niya, binabalangkas na ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas kung saan mangunguna ang National Economic and Development Authority.
Naatasan naman ang DA na maglatag ng IRR sa mga stakeholder.
“Ipiprisenta po namin sa kanila ‘yung kabuuan ng batas na napirmahan ng ating pangulo, rice tariffica-tion saka liberalization and then from there we will get their reactions,” ani Piñol.
Comments are closed.