NAGNINGNING si Eumir Marcial sa kanyang unang professional boxing match, sa pagsikwat ng unanimous decision victory laban kay American boxer Andrew Whitfield noong Miyerkoles ng gabi (Huwebes ng umaga sa Manila) sa Shrine Exposition Center sa Los Angeles.
Nadominahan ng Tokyo-bound na si Marcial ang four-round fight kung saan ang lahat ng tatlong judges — Don DeVerges, Ron Scott Stevens at Damian Walton — ay nagbigay ng iskor na 40-36 pabor sa Pinoy boxer.
Si Marcial ay nagpakawala ng 310 suntok,120 ang tumama, habang ang kanyang katunggali ay nakatama lamang ng 46 sa laban.
Ito ang unang panalo ni Marcial, 25, sa kanyang professional bout sa una ring pagsabak, habang bumagsak si Whitfield, 29, sa 3-2 professional record matapos ang kabiguan.
Sa first round pa lang ay nagsalpukan na ang dalawang boksingero ngunit mas maraming naikonektang suntok si Marcial na tumama sa mukha ng Amerikanong katunggali.
Halos sarado na ang mata ni Whitfield dahil sa namuong malaking bukol sa gilid ng mata nito na tinarget ni Marcial para masiguro ang panalo sa unang dalawang round.
Para kay Marcial, isa itong magandang regalo sa kaarawan ng kanyang promoter, si Filipino boxing legend Manny Pacquiao.
Inaasahang lalaban pa si Marcial ng isang beses bilang professional bilang paghahanda sa Tokyo Olympics sa 2021.
Comments are closed.