(Inaasahan ng BIR) BILYONG BUWIS MAKOKOLEKTA SA ONLINE SELLERS

BILYON-BILYONG pisong buwis ang inaasahang makokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa lumalaking e-marketplace industry makaraang isailalim ang online sellers sa withholding tax system.

“Itong withholding tax on online transactions, dahil effective na ‘yan, inaasahan natin na malaki rin ang maitutulong nito,” wika ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa sidelines ang 120th anniversary celebration ng ahensiya sa Pasay City noong Huwebes.

Sinabi ni Lumagui na hindi pa makapagbibigay ang BIR ng pagtaya kung magkano ang makokolekta sa pagpapataw ng withholding tax sa online sellers.

“But, we’re expecting that ‘yung revenues natin diyan would be in the billions,” aniya.

Ang pagpapataw ng withholding tax sa merchants sa e-marketplaces ay sinimulan noong July 15, 2024.

Sa ilalim ng Revenue Regulation (RR) No. 16-2023, kalahati ng gross remittances ng e-marketplace operations at digital financial services providers sa sellers o merchants para sa goods o services na binayaran sa pamamagitan ng kanilang platform ay papatawan ng 1% creditable withholding tax.

Gayunman, sinabi ng BIR na ang 1% withholding tax ay hindi kokolektahin kung ang annual total gross remittances sa isang online seller para sa nakalipas na taxable year ay hindi lumampas sa P500,000 at kung ang cumulative gross remittances sa isang online seller sa isang taxable year ay hindi pa lumampas sa P500,000.

Ang withholding tax ay ang halaga na wini-withhold ng isang negosyo sa pagbabayad ng goods o services na direktang nire-remit sa gobyerno sa ngalan ng suppliers o employees.

Umaasa rin si Lumagui na makakamit ng BIR ang collection target nito sa susunod na taon na P3.2 trillion sa tulong ng withholding taxes na makokolekta sa online sellers.