INAASAHAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maitatala ang inflation sa Nobyembre sa 2.2% hanggang 3%.
Sa kanilang month-ahead inflation forecast, tinukoy ng BSP ang tumaas na presyo ng gulay, isda, at karne dahil sa hindi magandang lagay ng panahon, mas mataas na singil sa koryente, at ang paghina ng piso bilang pangunahing sanhi ng upward price pressures noong nakaraang buwan.
Ang forecast range ng central bank para sa Nobyembre ay kumpara sa 2.3% inflation rate na naitala noong Oktubre.
Ayon sa BSP, ang upward pressures sa inflation noong nakaraang buwan ay inaasahang bahagyang mao-offset ng mas mababang presyo ng bigas.
“Going forward, the Monetary Board will continue to take a measured approach in ensuring price stability conducive to balanced and sustainable growth of the economy and employment,” ayon sa BSP.
Sa isang press conference noong Biyernes, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ang inflation print ng Nobyembre ay hindi lalagpas sa ceiling ng pamahalaan na 2% hanggang 4%.
“It’s probably still within that range… We see some increases but we also see some decreases as reported to us by [Trade and Industry] Secretary [Cristina Aldeguer-Roque]… DTI is monitoring retail prices all over the country and they see some goods are showing decreases but some are also rising,” ani Balisacan.
Sinabi ng NEDA chief na ang price increases ay hindi magiging malaki.
“The interagency committee on inflation and market outlook, we, are looking at the prices and we are not seeing any major disruptions,” aniya.