INAASAHAN ng Department of Agriculture (DA) ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan ngayong 2025, lalo’t posibleng magsimula nang bumaba ang presyo ng butil sa international market ngayong Enero.
“We are expecting that by January, the price of imported rice in the world market will further decrease. Hopefully, this will be reflected in the local market,” pahayag ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel de Mesa.
Ayon kay De Mesa, isa sa mga paraan na posibleng gawin ni Agriculture Secretary Franciso Tiu Laurel Jr. upang mapababa at ma- stabilize ang presyo ng bigas ay ang pagdedeklara ng food security emergency sa ilalim ng amended Rice Tariffication Law (RTL), upang makapaglabas ng buffer stocks ang National Food Authority (NFA) at makapagbenta ng murang bigas sa publiko ang pamahalaan.
Pinag-aaralan din, aniya, ng ahensiya ang pagpayag sa mga korporasyon tulad ng Food Terminal Inc. na kumuha ng bigas direkta sa mga pribadong importer.
Ipinag-utos na rin ni Tiu Laurel sa legal division ng DA na pag-aralan kung maaaring magamit ang mga probisyon ng Consumer Price Act upang masampahan ng kaukulang kaso ang mga profiteer o trader na labis magtubo sa kanilang mga ibinebentang bigas.
Ito ay matapos manatiling mataas ang presyo ng bigas sa gitna ng pagtapyas ng taripa ng imported na bigas mula 35 porsiyento sa 15 porsiyento noong Hulyo.
Humingi rin ng tulong ang DA sa Department of Trade and Industry (DTI) sa monitoring ng presyo ng bigas sa mga grocery at pamilihan.
Base sa monitoring ng DA sa mga pamilihan sa Metro Manila , ang retail price ng imported regular milled rice ay P45 kada kilo; imported well-milled rice, P56 kada kilo; at imported premium rice, P60 kada kilo. Kahalintulad na presyo naman nito ang imported special rice, at kadalasan ay umaabot din sa P64 kada kilo.
Noong Setyembre ng nakaraang taon ay sinabi ni Tiu Laurel na posibleng maramdamam ang epekto ng pagtapyas ng taripa sa imported na bigas ngayong Enero.
Ang tariff cut sa imported na bigas ay ipinatupad noong Hulyo 8, 2024, sa bisa ng Executive Order No. 62 ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr. Layunin nito na pababain ang presyo ng.bigas na isa sa pangunahing dahilan ng inflation sa bansa.
Bagama’t nawalan ng kita ang pamahalaan sa naturang hakbang ay inasahang mapapababa nito ang presyo ng bigas ng P5 hanggang P7 kada kilo.
“But since demand for food usually spikes in December, we anticipate seeing a more substantial drop in rice prices by January,” sabi ni Tiu Laurel.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia