UMAASA ang Department of Agriculture (DA) na mananatiling matatag ang presyo at suplay ng bigas at iba pang agri products sa darating na holiday season.
Sa isang briefing sa House Committee on Agriculture, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na sa kanilang latest monitoring ay lumitaw na ang presyo ng well-milled rice ay nasa P45/kilo habang ang regular milled ay P41/kilo.
Ang presyo ay inaasahang tataas sa Disyembre sa P48/kilo para sa well-milled rice at P41 hanggang P43/kilo para sa regular-milled variety.
Ayon pa kay De Mesa, sa third quarter ng taon o mula July hanggang September, tumaas ang stocks ng 0.22 percent sa 3.797 million metric tons mula 3.789 million metric tons noong nakaraang taon.
Sa unang tatlong quarters, ang kabuuang produksiyon ay tumaas ng 2.32 percent sa 12.8 million metric tons.
Ayon sa DA, sa kasalukuyan, ang bansa ay mayroon pang imbak na bigas para sa 80 araw na maaaring tumaas sa 90 araw o hanggang 2024 sa sandaling dumating ang mga inangkat.
“For the dry season lean months which is mid-January to mid-February, we still have ample supply going into 1st quarter. Our projection is 90 days right now, it’s 80 days without additional imports,” ani De Mesa.
Bukod sa inaasahang pagtaas ng ani, sinabi ni De Mesa na ang bansa ay aangkat ng 176,000 metric tons sa 4th quarter bagama’t mas kaunti ito kumpara sa rice imports noong nakaraang taon.
Bagama’t maliit ang produksiyon ng sibuyas sa 3rd quarter, sinabi ng DA na mapupunan ito ng produksiyon sa 4th quarter na palalakasin ng imports.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng pulang sibuyas ay nasa P140 hanggang150/kilo habang ang puting sibuyas ay P110/kilo.
Samantala, sinabi ni De Mesa na sapat din ang suplay ng manok at itlog para sa mga pangangailangan sa holiday season.