NANANATILING kumpiyansa si Agriculture chief Francsico Tiu Laurel Jr. sa tuloy-tuloy na pagbaba sa presyo ng bigas dahil sa pagtapyas sa taripa sa imported rice.
Ito ay makaraang sabihin ng Federation of Free Farmers (FFF) na ang presyo ng bigas ay hindi pa bumababa ng P5 hanggang P7 kada kilo sa kabila ng Executive Order No. 62 na nagbaba sa taripa sa 15 mula 35 percent.
Paliwanag ni Tiu Laurel, ang market prices ay mula sa stocks na dating binili sa ilalim ng mas mataas na taripa.
“Naubos lang iyong stocks ng excess na nabili na mahal ang taripa at sa mahal na presyo itong end of August pa lang.
Itong September naman, ang nako–consume natin ngayon is ang bigas or palay na nabili noong January to June ng napakamahal ng local traders or local buyers,” pahayag niya sa isang panayam.
Aniya, nakinabang ang mga magsasaka sa P29/kg hanggang P30/kg buying price ng palay mula January hanggang June, na nagresulta sa mas mataas na retail prices sa merkado.
“Ang equivalent na presyo niyan (Its price equivalent is) PHP56. Hindi pa nauubos iyan. So ang feeling ko naman, baka pababa na iyong stocks niyan by October 15 of this year,” sabi pa ng kalihim.
“And hopefully, tuloy-tuloy ng pababa iyan at least less P5 by January.”
Sa monitoring ng DA, ang retail price ng bigas sa Metro Manila ay bumaba sa hanggang P42/kg o mas mababa sa P50/kg level sa mga naunang buwan.