(Inaasahan ngayong Agosto) BAWAS-PRESYO SA BIGAS

INAASAHAN ang pagbaba sa presyo ng kada kilo ng bigas ngayong buwan dahil sa pinagsamang base effects at tapyas sa taripa sa imported rice, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

“Reduction sa tariff magsisimula so may posible ‘yung substantial na ire-reduce sa presyo ng bigas nitong August,” pahayag ni PSA chief Claire Dennis Mapa sa isang press conference.

Ang Executive Order No. 62, na nagbababa sa tariff rates para sa imported rice sa 15% mula 35%, ay nagkabisa noong nakaraang buwan.

Nauna nang sinabi ng PSA na ang bawas-taripa para sa imported rice ay maaaring magpababa sa retail price ng kada kilo ng bigas ng P6 hanggang P7.

Gayunman, sinabi ni Mapa na ang bawas-presyo sa bigas noong Hulyo ay maliit lamang.

Sa kabila nito, ang rice inflation ay bumagal sa 20.9% noong nakaraang buwan mula 22.5% noong Hunyo.

Ayon sa PSA chief, ang average price ng kada kilo ng regular milled rice noong Hulyo ay nasa P50.9, bumaba ng 0.3% mula P51.10 kada kilo noong Hunyo.

Ang presyo ng well-milled rice ay bahagya ring bumaba ng 0.2% sa P55.85 kada kilo mula P55.96 kada kilo month-on-month.

Samantala, ang presyo ng special rice ay bumaba rin ng 0.2% sa P64.42 kada kilo mula P64.56 kada kilo noong Hunyo.

Bukod sa epekto ng EO 62, sinabi ni Mapa na ang “base effects” ay maaari ring makaimpluwensiya sa posibleng pagbaba ng presyo ng bigas ngayong buwan.

“Definitely, there will be adjustment in terms of rice inflation this August simply because its base was high in August 2023,” aniya.