MAKAAASA ang mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) ng mas mataas na singil sa koryente kasunod ng pagkakatigil ng power supply agreement (PSA) sa pagitan ng kompanya at ng South Premier Power Corp. (SPPC) ng San Miguel, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Sinabi ni ERC chairperson Monalisa Dimalanta na batay sa kanilang computation, ang mga kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours (kWh) ay maaaring magkaroon ng P60 hanggang P80 dagdag sa kanilang bill para sa buwan.
Nauna nang sinabi ng Meralco na nakikipagnegosasyon ito sa power generation companies para punan ang 670-megawatt (MW) supply na nawala makaraang tapusin ng SPPC ang kanilang power supply deal para masangga ang mga customer mula sa posibleng price increase.
Sa ngayon ay sinabi ng kompanya na kinukuha nito ang supply na sakop ng PSA mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ayon kay Dimalanta, ang 670-MW mula sa SPPC na nawala sa Meralco ay bumubuo sa mahigit 13% ng supply ng power distributor.
“Kung sa computation namin kung titingnan ang 13% na nabanggit ko na dating P4.30 [per kWh] kung kukunin sa WESM… Last month kasi ang WESM nag-average ng P8.50 sabihin na natin P9 [per kWh],” aniya.
Ang suspensiyon ng PSA sa pagitan ng Meralco at ng SPPC ay dahil sa inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Court of Appeals (CA) sa supply deal sa pagitan ng dalawang kompanya sa loob ng 60 araw.