MAKAAASA ang mga motorista ng mixed movements sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo kung saan posible ang rolbak sa gasolina at diesel.
Sa pagtaya ng industriya, ang presyo ng gasolina ay maaaring bumaba ng P0.40 hanggang P0.70 kada litro. Walang adjustment o bawas-presyo na P0.20 kada litro naman ang inaasahan sa diesel.
Samantala, inaasahan ang P0.10 hanggang P0.20 kada litrong dagdag sa presyo ng kerosene.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Assistant Director Rodela Romero, ang pagtaya ng industriya ay base sa international trading sa nakalipas na apat na araw.
Para sa inaasahang price rollback, sinabi ni Romero na magpapatawag ang Prime Minister ng Israel ng pagpupulong para sa diplomatic solution sa digmaan sa Lebanon na magpapahupa sa tensiyon sa Middle East.
“A price hike could be triggered by the optimism over US fuel demand and drop in crude and gasoline inventories, Israel’s retaliatory attack on Iran’s military sites, which avoided oil infrastructure, geopolitical uncertainties, and tighter Asian regional supplies for gas-oil and jet fuel/kerosene,” anang Energy official.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Marres, October 29, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.20, at diesel at kerosene ng P0.50 kada litro.
Year-to-date, ang presyo ng gasolina at diesel ay tumaas na ng P8.75 kada litro at P6.55 kada litro, ayon sa pagkakasunod.
Ang kerosene ay may total net decrease naman na P3.10 kada litro.