INAASAHANG makalilikom ng mahigit isang daang bilyong pisong kita ang pamahalaan mula sa bagong ipinataw na 12% value-added tax sa digital services ng non-resident o foreign entities sa susunod na limang taon, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sa isang statement, sinabi ng DOF na sa pagpapataw ng VAT sa foreign digital service providers, inaasahan nitong makakakolekta ng P102.12 billion mula 2025 hanggang 2029.
Sa 2025 pa lamang, sa 50% compliance, tinataya ng DOF ang revenues na nagkakahalaga ng P7.25 billion.
Nilagdaan nitong Miyerkoles ng umaga ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12023 na nagtatakda ng 12% VAT sa foreign digital services.
Sinabi ng DOF na ang buwis na makokolekta mula sa non-resident digital service providers “will be channeled into projects that directly benefit the Filipino people, such as building more schools, roads, and hospitals as well as supporting vital socio-economic programs.”
Sa susunod na limang taon matapos maging epektibo ang batas, sinabi ng ahensiya na 5% ng nakolektang revenues ay eksklusibong gagamitin para sa pagpapaunlad sa local creative industries.
Ikinatuwa naman ni Finance Secretary Ralph Recto ang bagong batas dahil titiyakin nito ang pantay na tax treatment sa lahat ng digital businesses na nagkakaloob ng serbisyo sa Pilipinas at palalakasin ang kinakailangang revenue collections para sa national development.
Sinabi ni Recto na ang batas ay magpapantay sa kumpetisyon sa pagitan ng local at foreign digital service providers dahil sa kasalukuyan ay tanging ang local digital service providers ang nagbabayad ng 12% VAT.
Ang digital services ay kinabibilangan ng online search engines, marketplaces, cloud services, online media, online advertising, at digital goods.
“This is not a new tax mechanism. We are just merely correcting the current system that creates an unfair advantage to foreign digital service providers and weakens the country’s tax base, forgoing much-needed revenues that could have been used to fund crucial public services, infrastructure, and other socio-economic programs,” sabi ni Recto.
“By doing this, we foster fairness, competition, and inclusion in our tax system and marketplace. Whether you are a local entrepreneur or a global giant, everyone will play by the same rules,” dagdag ng Finance chief.
Ang IRR ay ipalalabas 90 araw mula sa pagiging epektibo ng batas.