NIRATIPIKAHAN agad ng Kamara ang bicameral conference committee report para sa P5.024 trillion na 2022 national budget.
Sa huling sesyon kahapon ay niratipikahan ang bicam report ng pambansang pondo sa susunod na taon matapos na mailusot sa bicam.
Pagkatapos nito ay iaakyat na ang 2022 national budget sa tanggapan ng Pangulo upang malagdaan.
Inaasahan ng mga mambabatas na bago mag-Pasko ay pirmado na ito ng Pangulo at maipatutupad na pagsapit ng Enero.
Kabilang sa “salient points” na napagkasunduan ng Kamara at Senado sa bicam ang P50 billion para sa special risk allowance ng mga health care worker; P50 billion para sa COVID-19 booster shots; P3.5 billion para sa pagbili ng mga bagong C-130 ng Air Force; P32 billion para sa state universities and colleges (SUCs); at P16 billion para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang panukalang P5.024 trillion para sa susunod na taon ang pinakamalaking budget sa kasaysayan ng bansa at ito rin ang huling budget sa ilalim ng administrasyong Duterte. CONDE BATAC