(Inaasahang pipirmahan ni PBBM sa Dis. 19) P6.352-T 2025 NAT’L BUDGET

UMAASA ang Senado na pagsapit ng 2025 ay maipatutupad na ang pambansang budget.

Ayon kay Senadora Grace Poe, chairman ng Senate committee on finance, target na lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang P6.352 trillion 2025 national budget sa Disyembre 19.

Sa kasalukuyan ay isinasagawa na ng bicameral conference committee ang 2025 General Appropriations Bill (GAB).

Ayon kay Poe, nakakasunod pa naman sila sa iskedyul para bago mag-Pasko ay malagdaan na ni Pangulong Marcos ang pambansang pondo.

Umaasa ang senadora na hindi hahantong sa deadlock ang pagtalakay nila sa budget ngayong binuksan na ang pagtalakay rito ng bicam dahil nakahanda naman sila sa Senado na pakinggan ang panig ng mga kongresista ukol sa mga pagkakaiba sa items ng budget.

Sinabi pa ni Poe na may mga pagkakataong kailangan nilang magsakripisyo at maging bukas na makipagkompromiso o magkasundo para matupad ang hangarin na maipasa ang budget bago matapos ang taon. LIZA SORIANO