(Inabot ng Enhanced Community Quarantine) WILLIE REVILLAME NAMUDMOD NG BIGAS, TUBIG AT IBA PANG PAGKAIN SA PUERTO GALERA

WILLIE REVILLAME

DAHIL inabot na siya ng enhanced community quarantine at hindi na puwedeng makalabas ng Puerto Galera, Mindoro, nagkaroon ng pagkakataon si Willie Revillame na ipagpatuloy ang kanyang pamimigay na mistulang may programang Wowowin.

Nag-ipon ng maraming bigas, tubig, at iba pang pagkain si Willie Revillame para ipamudmod sa mga residente roon na limitado rin ang pagkilos dulot ng community quarantine.

Dahil sa banta ng COVID-19, pinatigil muna ni Willie Revillame ang regular programming ng Wowowin at Wowowin Primetime para na rin sa kaligtasan ng kanyang studio audience at mga empleyado.

Nagkaroon tuloy ng oras ang TV host na bisitahin ang kanyang resort sa Puerto Galera, Mindoro. Pero naabutan siya roon ng pagdeklara ng pamahalaan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon, kaya hindi na nakabalik si Wil-lie sa kanyang tahanan sa Quezon City.

Kasama sa idineklarang ECQ ni Pangulong Rodrigo Duterte nung March 16 ay ang Timog Katagalugang Rehiyon ng Luzon.

Sakop dito ang Southern Tagalog Region IV-B na mas kilala ngayon bilang MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan).

Pinairal ang ECQ nung March 17.

Habang nasa Puerto Galera si Willie ay patuloy pa rin ito sa pagtulong sa kanyang mga kababayan.

Sakay ng kanyang bangka, nilibot ng TV host ang Puerto Galera at nakita ang epektong dulot ng ECQ sa mga residente.

“Napag-alaman ko na bawal silang pumunta sa palengke dahil una, wala silang transportasyon, bawal silang lumabas. Isa lang ang kailangan.

“E, wala naman ho silang masasakyan, walang traysikel,” kuwento ni Willie sa kanyang Wowowin vlog.

Kaya naisipan ni Willie na magsagawa ng relief operations sa nasabing lugar sa abot ng kanyang makakaya.

“Eto kahit papaano, maliit na bagay lang. E, kahit sa isang araw, dalawang araw, makatulong tayo sa kanila,” patuloy ni Willie.

Namili si Willie ng sako-sakong bigas, instant noodles, tubig, at iba pang makakain at ipinamudmod niya ang mga ito sa mga residente ng Puerto Galera sa tulong ilang volunteers.

Para mapabilis ang paghatid ng tulong, isinakay pa nina Willie ang ilang relief goods sa kanyang sariling speedboat.

Kaya abot-abot naman ang pasasalamat ng mga residente kay Willie.

Paalala ni Willie sa ating mga kababayan, kahit sa simpleng paraan ay may maitutulong ang lahat kung susunod lang sa pakiu-sap muna ngayon ng gobyerno ukol sa ECQ.

“Isipin niyo ho, kung lalabas kayo at nahawa ‘yung inyong mga mahal sa buhay, napakahirap ho, e.

“Sana matapos na ito para hindi nagsa-suffer tayong lahat, hindi tayo nahihirapan.”