(Inamin ng DTI) TAAS-PRESYO SA BILIHIN ‘DI MAPIPIGILAN

DTI Undersecretary Ruth Castelo-3

HINDI mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin dahil tumaas din ang halaga ng raw materials, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

“Hindi na natin mapigilan na hindi magalaw, hindi magalaw iyong presyo dahil sa nagtataas na presyo ng raw materials naman na ginagamit nila, major ingredients nila sa paggawa,” pahayag ni Trade Undersecretary Ruth Castelo sa isang televised briefing.

Gayunman ay patuloy na binabantayan ng ahensiya ang paggalaw ng presyo ng ilang produkto makaraang aprubahan kamakailan ang price hike ng ilang commodities.

Ayon kay Castelo, sa 212 stock keeping units (SKUs), may 82 basic goods at prime commodities lamang ang tumaas ang suggested retail price (SRP).

“Lahat ng mga supermarkets and groceries ay covered nito kasi hanggang tier 2 level tayo ng supply chain nagmo-monitor. So dito sa mga bilihan na ito, sigurado tayo na sumusunod sa suggested retail price natin ang mga retailers,” ani Castelo.

Bukod sa pagmo-monitor sa SRP sa groceries at establishments, tinitiyak din, aniya, ng ahensiya na mapananatili ang presyo ng mga produkto kung saan binabantayan din nila ang supply ng retail at manufacturing sa harap ng demand.

Ani Castelo, hindi nila matitiyak sa publiko na masusunod ang SRP sa retail stores dahil ang kanilang supply chain mechanism ay iba.

“[Ang] hindi lang natin covered ay iyong mga nasa convenient store na, at saka mga sari-sari stores… Ibang nature na iyon eh. So hanggang supermarkets and groceries po, sigurado tayo na bastante ang presyo,” dagdag pa niya.