(Inaprubahan ng BOI sa unang 100 araw ni PBBM)P126-B NA INVESTMENTS

HIGIT sa doble ang inaprubahang investments ng Board of Investments (BOI) quarter-on-quarter sa unang 100 araw ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sa accomplishment report ng Department of Trade and Industry’s (DTI) sa unang 100 araw ng Marcos administration ay nasa P125.7 billion na halaga ng investments ang inaprubahan ng BOI mula July 1 hanggang Sept. 14 ngayong taon — ang unang 75 araw ng administrasyon.

Ito ay mas mataas ng 160 percent kumpara sa approvals ng investment promotion agency (IPA) noong April hanggang June 2022 period na P48.4 billion, base sa numero ng Philippine Statistics Authority (PSA).

“The top industries during the period are administrative and support; real estate activities; electricity, gas, steam and air conditioning supply; financial and insurance; and manufacturing,” pahayag ng DTI sa report nito na nakuha ng Philippine News Agency.

Idinagdag nito na ang P125.7-billion investment approvals sa unang tatlong buwan ng bagong administrasyon ay inaasahang lilikha ng 9,000 bagong trabaho.

Samantala, ang investment pledges sa BOI mula Hulyo hanggang Setyembre 14, 2022 ay lumago ng higit sa doble mula sa P62.3 billion na halaga ng approvals para sa buong third quarter ng nakaraang taon.

Subalit kailangang magtrababo nang husto ng bagong administrasyon sa huling quarter ng taon para matamo ang P995.59-billion target investment approvals ng ahensiya para sa 2022 tulad ng nakasaad sa latest National Expenditure Program (NEP).

Kasama ang performance ng BOI sa huling dalawang quarters ng Duterte administration, ang IPA ay nakapagtala ng kabuuang P355.7 billion na halaga ng mga proyekto. Nangangahulugan ito na ang BOI ay kailangang makaakit at mag-apruba ng P639.89 billion investment pledges mula Setyembre 15 hanggang katapusan ng 2022.

PNA