LUMIKHA ang administrasyong Duterte ng masiglang business environment sa nakalipas na anim na taon na nakatulong sa paghikayat ng investments sa manufacturing sector, ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.
Sa 7th Manufacturing Summit sa Makati City nitong Martes, sinabi ni Lopez na may kabuuang P1.1 trillion na investments ang inaprubahan sa manufacturing sector mula 2016 hanggang 2022.
May USD4.3 billion na halaga ng foreign direct investments (FDIs) sa manufacturing sector ang pumasok din sa bansa sa nasabing panahon.
Ayon pa kay Lopez, nasa 3.66 million na trabaho ang nalikha sa sektor noong April 2022, na mas mataas sa pre-pandemic level na 3.65 million noong 2019.
Ipinakita rin nito na ang mga nawalang trabaho sa panahon ng pandemya ay naibalik.
Noong 2020, ang employment sa manufacturing ay umabot sa 3.19 million.
Sa muling pagbubukas ng ekonomiya, sinabi ng DTI na ang manufacturing output ay nasa direksiyon na pumalo sa pre-pandemic level na P3.6 trillion.
Ani Lopez, ang output ng industriya noong 2021 ay nasa P3.55 trillion.
Sa first quarter ng 2022, ang manufacturing output ay nasa P975 billion, ang pinakamalaking output na naitala sa lahat ng first quarters ng mga nakalipas na taon.
“This shows that once the domestic and global economy adapt better to the pandemic situation, the Philippine manufacturing sector is ready to return to the pre-pandemic trajectory,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Lopez na mag-iiwan din ang administrasyong Duterte ng P500 billion na halaga ng prospective investments na maaaring maisakatuparan sa susunod na 18 buwan.
– PNA