(Inaprubahan ng LTFRB para sa FIBA World Cup) SPECIAL PERMIT SA 53 BUS

BINIGYAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permit ang ilang piling Public Utility Bus (PUB) na gagamitin sa 2023 FIBA Basketball World Cup.

Ayon sa LTFRB, nasa 53 bus ang binigyan ng special permit na tatagal hanggang September 17.

Partikular na gagamitin ang mga bus sa paghahatid ng mga manlalaro at spectators mula sa 16 bansang kalahok sa naturang torneo.

Dahil dito, ang nasabing mga bus ay hindi maaaring hulihin ng Land Transportation Office (LTO), maging ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang mga ahensiya ng gobyerno na nagpapatupad ng mga batas trapiko, sa paglabag sa number coding.

Nakalagay sa special permit ang pagtatalaga ng mga terminal bilang mga “pick-up and drop-off point” para sa mga pasahero na nais manood ng mga laro.

Kabilang dito ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa Parañaque City; Trinoma sa Quezon City; SM Mall of Asia sa Pasay City; One Ayala Terminal sa Ayala Avenue, Makati City; Cloverleaf Ayala sa A. Bonifacio Avenue, Quezon City; Market! Market! sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City; Araneta City, Cubao, Quezon City; at SM Clark sa Angeles, Pampanga.

“Nakikiisa po ang LTFRB sa lahat ng mga ahensiya ng gobyerno sa pagtitiyak na magiging maayos ang pagdaraos ng makasaysayang pandaigdigang patimpalak na ito ng basketball sa ating bansa,” pahayag ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III.

-EVELYN GARCIA