NEGROS OCCIDENTAL–TATLONG binatilyo ang binawian ng buhay habang kritikal ang dalawa pa nilang kasamahan matapos na araruhin ng rumaragasang pick-up truck ang tinatambayan nilang kainan ng mami sa bayan ng Murcia ng nasabing lalawigan.
Kinilala ng Murcia-PNP ang mga nasawi na sina Mark Lorence Guansing, 17-anyos; Shelmer Javier, 18 taong gulang; at Justin Maderada, 16-anyos.
Habang sugatan naman sina Carlo James Lopez, 23-anyos; at isang hindi pa nakikilalang biktima.
Sa pahayag ni Murcia-PNP chief Robert Dejucos, sa inisyal na imbestigasyon nakaidlip ang fish vendor na kinilalang si Emilio Salvador, 38-anyos, habang minamaneho ang multicab mini truck at sumalpok sa dalawang kotse bago inararo ang mga biktimang nasa harapan ng mamihan na nasa gilid ng national highway sakop ng Barangay Caliban.
Agad na naitakbo sa ospital ang limang biktima na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan subalit habang ginagamot ay binawian ng buhay ang tatlo.
Nabatid na hindi nasaktan si Salvador na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injuries, and damage to properties na nakaditine sa Murcia Municipal Police Station na sinasabing ginulpi ng taumbayan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.