PINAGMULTA sina Barangay Ginebra big man Japeth Aguilar at Rain or Shine rookie Adrian Wong ng tig-P20,000 at inatasan ng PBA Commissioner’s Office na sumailalim sa swab testing makaraang mag-viral ang isang video kung saan makikita na naglalaro sila.
Ang dalawa ay ipinatawag ni league commissioner Willie Marcial upang magbigay linaw sa insidente na naganap kamakailan.
Sina Aguilar at Wong ay huli sa video kasama si Gilas Pilipinas pool member Isaac Go na naglalaro sa isang practice facility sa San Juan.
Inatasan ni Marcial ang dalawang PBA players na magpa-swab test na hindi lalagpas sa Martes. Matapos nito ay sasailalim sila sa 14-day quarantine bago sasalang sa isa pang swab test bilang confirmatory procedure.
Dumalo rin sa miting sina Deputy Commissioner Eric Castro at PBA legal consultant Atty. Melvin Mendoza.
Sinabi ni Castro na sina Aguilar at Wong ay sasailalim sa 30 oras na community service.
Ayon kay Marcial, ang dalawa ay humingi ng paumanhin sa kanilang ginawa.
Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force ang PBA at ang pro football na magdaos ng ensayo bagama’t hindi pa puwede ang scrimmages sa ilalim ng general community quarantine.
Nakipag-ugnayan na si Marcial kay Go noong nakaraang Huwebes at pinayuhan ang 6’8 slotman na sumunod sa mga panuntunan na ipina-tutupad ng liga at ng pamahalaan.
Si Go ay kinuha ng Columbian Dyip bilang top pick overall sa Rookie Draft noong nakaraang taon. Ipinahiram muna siya sa Samahang Basketbol ng Pilipinas na naghahanda sa 2023 FIBA World Cup.
Matapos ang kanilang miting kay Marcial, ang dalawang PBA players ay sumunod na nakipagpulong sa mga opisyal ng Games and Amuse-ments Board (GAB) na kinabibilangan nina Commissioner Eduardo Trinidad, Dioscoro Bautista (chief, pro basketball at iba pang pro-games division) at Rodil Manaog.
Comments are closed.