INDONESIA HANDA NA SA ASIAN GAMES HOSTING

SINGAPOR FLAG

HANDA na ang Indonesia sa pagho-host ng 2018 Asian Games na aarangkada sa Agosto 18 hanggang ­Setyembre 2.

May 11,000 atleta at 5,000 opisyal mula sa mahigit 50 bansa ang  ­inaasahang magtutungo sa mga siyudad ng Jakarta at Palembang sa isla ng Sumatra para sa quadrennial meet.

Ayon sa mga organizer, sa kasalukuyan ay wala na silang nakikitang problema para sa paghahanda at  sakaling magkaroon ng problema sa kasagsagan ng Games ay ­kaagad nila itong reresolbahin.

“There are no problems for the preparation so far, even if we have problems we will solve them right there right then,” wika ni chief organizer Erick Thohir.

Aniya, nasa 70 porsiyento na rin ang naibebentang ticket para sa opening ceremony sa Agosto 18 sa Indonesian capital na Jakarta.

Sa kabila ng mga pangamba sa problema sa matinding pagsisikip ng trapiko sa Jakarta, sinabi ng mga awtoridad na ang pagpapatupad ng odd-even licence plate system ay nagbubunga na ng magandang resulta.

“Traveling speed has improved by almost 60 percent, while travel time has improved 43 percent from 15.56 minutes per km to 8.86 minute per km,” pahayag ni Jakarta’s transportation agency chief, Andri Yansyah.

Para mapangalagaan ang seguridad ng mga atleta at iba pang miyembro ng delegas­yon ng mga kalahok na bansa ay magpapakalat din ng 40,000 sundalo at pulis sa dalawang siyudad na pagdarausan ng iba’t ibang events.

Magugunitang noong naging host ang Indonesia ng 2011 SEA Games ay namatay ang dalawang katao dahil sa stampede sa isang football final sa Jakarta.

Comments are closed.