PATULOY na bumagal ang inflation noong Mayo sa likod ng pagbaba ng presyo ng transportasyon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos na ipinalabas ng PSA, ang inflation rate noong nakaraang buwan ay naitala sa 2.1%, mas mabagal sa 2.2% noong Abril at sa 3.2% noong Mayo 2019.
Ito rin ang pinakamabagal sa loob ng anim na buwan nang maitala ang inflation sa 1.3% noong Nobyembre 2019.
Ang May inflation figures ay naghatid sa year-to-date rate para sa 2020 sa 2.5%.
“Contributing the the downtrend in the headline inflation in May 2020 was the annual decrease of the Transport index,” ayon sa PSA.
Ang Transport index ay nagtala ng 5.6% annual drop.
Nakatulong din sa pagbaba ng overall inflation noong Mayo ang mas mabagal na Food and Non-Alcoholic Beverages index.
“The slower annual rate in the Food and Non-Alcoholic Beverages index at 2.9% also pushed down the overall inflation in May,” dagdag pa ng ahensiya.
Ang annual decreases ay naitala sa indices ng bigas sa 2.7%; mais, 0.7%; at asukal, jam, honey, chocolate at confectionery, 0.8%.
Sinabi naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang May 2020 inflation na 2.1% ay pasok sa forecast range nito na 1.9 – 2.7%.