HIGIT na mas malaki umano ang pakinabang at pangangailangan ng mga dayuhang mamumuhunan sa pagkakaroon ng maayos na impraestruktura gayundin ng batas hinggil sa ‘ease of doing business’ para magnegosyo at manatili sa bansa.
Ito ang binigyan-diin ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo kung saan iginiit din niyang hindi ang pagbibigay ng insentibo gaya sa pagbabayad ng buwis ang dapat na pangunahing paraan para makapanghikayat ng foreign investors.
“While incentives may attract investors, they cater only to so-called footloose businesses and that infrastructure and ease of doing business are the factors that attract investors to a particular country,” sabi pa ng lady speaker.
Ginawa nito ang pahayag bilang sagot sa pangamba ng ilan na ang pagsasabatas ng Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities (TRABAHO) bill ay posibleng magresulta sa pag-alis partikular ng mga kasalukuyang nasa iba’t ibang free ports at special economic zones o kaya’y tuluyang pag-iwas sa Filipinas ng multi-national companies.
Nauna rito, pinamunuan ni Arroyo ang isang consultative meeting. na dinaluhan ng mga locator, sa Freeport Area of Bataan, na kasama sina House Committee on Ways and Means Chairman Rep. Dakila Carlo Cua (Lone District, Quirino), Rep. Jose Enrique Garcia lll (2nd District, Bataan) at Fi-nance Undersecretary Karl Kendrick Chua, ay tinalakay ang nasabing panukalang batas.
Ayon kay Arroyo, matapos ang kanilang FAB forum ay nalinawan at natuwa ang mga locator na malamang sa ilalim ng TRABAHO bill ay hindi mawawala ang kanilang export-related incentives sapagkat kinikilala ng pamahalaan ang karamihan sa mga ito bilang nasa hanay ng “footloose business” at marapat na mabigyan ng tax privileges.
Subalit, para sa ilang business enterprises, sinabi ng Pampanga lawmaker na dapat magpatupad ng mas maayos at makatuwirang polisiya sa pagpapataw ng buwis sa mga kompanyang ito para makalikom ng kaukulang pondo ang gobyerno bilang pantustos sa ibinibigay na mga serbisyo at sa implementasyon ng infrastructure projects nito.
Sinabi ni Arroyo na ang pagkakaroon ng magandang impraestruktura at batas para sa mabilis na pagproseso sa mga dokumento para makapagbukas ng negosyo sa isang partikular na bansa ang pangunahing kinokonsidera ng foreign investors.
Inihalimbawa niya ang patuloy sa pag-unlad ngayon ng San Simon Industrial Park, sa Pampanga, na pinasukan ng mga dayuhang negosyante hindi dahil sa tax incentives kundi sa maganda nitong infrastructure development at suporta mula sa lokal na pamahalaan.
“You can see how beautiful our industrial town of San Simon is and I asked the investors why did they come here? Not because of fiscal incentives. They came here because of the infrastructure I built and because of the ease of doing business,” pagmamalaki ng former chief executive.
Ani San Simon Mayor Leonora Wong, sa panahon ng Arroyo administration ay ginawa ang “W road network” na nag-uugnay sa kanilang bayan sa Bulacan, Nueva Ecija at Metro Manila kaya naman naging alternatibong lugar para sa malalaking negosyo ang kanilang industrial park. Bilang tugon ay nagpatupad naman ang alkalde ng ‘streamlining’ sa pagproseso ng business permits at licenses.
Sa panig naman ni Joseph Rejuso, president ng San Simon Industrial Park (SSIP) Land Development Inc., nagpasalamat sila sa nagawa ni Arroyo na pagpapaganda ng Quezon Road at suporta ng local government ng San Simon dahilan para maging madali umano mai-market sa investors ang SSIP. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.