IPINAGDIRIWANG sa maraming bahagi ng mundo tuwing buwan ng Mayo ang World Oceans Month. Ito ay isang pagkakataon upang pataasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa pangagalaga sa ating karagatan.
May nagaganap na malaking krisis kaugnay ng ating karagatan, isang krisis na nangangailangan ng agarang pansin at sama-samang aksiyon. Ayon sa United Nations, maituturing na isang emergency ang sitwasyon ng ating mga karagatan sa ngayon. Ilan lamang sa mga suliranin ay ang patuloy na pag-init ng tubig, polusyon sa plastik, at pagkasira ng ecosystem.
Nati-trigger ng tinatawag na marine heat wave ang patuloy na pag-init ng tubig sa dagat. Pumipinsala ito sa mga lamang-dagat. Unti-unti ring nagigiba ang ating mga coral reef kaya nawawalan ng tahanan ang mga isda at iba pang lamang-dagat na sumisilong sa mga ito. Ang pagdami ng basura sa ating mga karagatan ay dumadagdag pa sa pinsala sa kapaligiran.
Ayon sa datos, nasa 5 hanggang 12 milyong metriko tonelada ng plastik ang napupunta sa karagatan taon-taon. Ito ay hindi lamang malaking banta sa buhay sa dagat kundi pati na rin sa kalusugan ng tao sa lupa. Ang industriya ng turismo na nagdadala ng milyun-milyong mga bisita sa mga coastal areas taon-taon ay may dala ring mga hamon sa ating kalikasan.
Ang World Oceans Month ay isang pagkakataon para sa ating lahat na sama-samang kumilos upang pangalagaan ang ating mga karagatan. Ngunit, pinakamabuti siyempre kung hindi lamang tuwing Mayo kikilos ang mga tao kundi sa bawat buwan ng buong taon.
Isa sa maaari nating gawin ay ang pumili ng mga produkto at gawain na makakatulong sa kalikasan. Halimbawa, puwedeng bawasan (o tuluyang talikuran) ang paggamit ng plastik, o kaya ay ang pagbili lamang ng mga sustainable na pagkaing mula sa dagat. Ang kapalaran ng ating mga karagatan ay nakasalalay sa ating lahat, sa bawat desisyon at aksyon natin.