HINILING ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa pamahalaan ang pagkakaloob ng mga insenstibo at subsidiya sa mga negosyo na gagamit ng mga makabagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence (AI) at magtuturo ng karagdagang kasanayan sa kanilang mga manggagawa.
Sinabi ng ECOP na ang mga insentibo para sa training programs ay makatutulong sa mga negosyo na mabigyan ang kanilang mga manggagawa ng kaugnay na kakayahan para makaangkop sa mga bagong teknolohiya.
Ang panawagan ay bahagi ng Conference Resolutions ng ECOP na ipinasa sa 45th National Conference of Employers (NCE) sa Manila Hotel noong Miyerkoles.
Ayon sa ECOP, ang mga teknolohiya tulad ng AI at machine learning (ML) ay muling humuhubog sa workplace processes na nangangailangan ng malawak na reskilling ng mga manggagawa.
“(G)overnment must provide incentives and subsidies for businesses that adopt advanced technologies and sustainability mechanisms, providing training programs for their workers to acquire relevant skills,” sabi ng ECOP sa dokumento nito.
Dagdag pa nito, ang technological advancements, na sinamahan ng mga hamon tulad ng climate change at geopolitical shifts, ay nangangailangan ng pagtutulungan upang suportahan kapwa ang mga negosyo at empleyado.
Sa resolutions ng ECOP ay nanawagan din ito sa pamahalaan, academe, at educational institutions na magpokus sa pag-develop ng essential life, technological, at soft skills, partikular sa youth at underserved sectors.
“This educational push is critical for preparing the workforce for future job demands,” ayon sa ECOP.
Para tugunan ang technological, climate, at geopolitical disruptions, itinutulak ng ECOP ang national resilience programs, social protection mechanisms, at transition strategies na idinisenyo upang suportahan ang mga manggagawa at employer sa mga panahon ng makabuluhang pagbabago.
Gayundin ay binigyang-diin ng ECOP ang kahalagahan ng bipartism, tripartism, at social dialogue sa pagharap sa mga usapin sa workplace.
Ayon sa ECOP, ang pagtutulungan ng mga employer, empleyado, at government stakeholder ay krusyal sa paglikha ng trabaho, fair compensation, at long-term enterprise sustainability.
Ulat mula sa PNA