(Inihirit ng manufacturers)TAAS-PRESYO SA PROCESSED MEAT PRODUCTS

PROCESSED MEAT

POSIBLENG magmahal ang processed meat products sa mga supermarket, kabilang ang hotdogs, kasunod ng hirit na taas-presyo ng mga manufacturer.

Ayon sa Philippine Association of Meat Processors Inc (PAMPI), hiniling nila sa Department of Trade and Industry (DTI) na payagan silang magtaas ng P1.50 hanggang P2.00 per 150-gram can.

Sinabi ni PAMPI Vice President Jerome Ong na makaaapekto rin ito sa presyo ng hotdogs, sausages at mga katulad na produkto.

“Dapat 3-4 pesos ang hike pero dahil nakikiisa kami sa DTI na makapagbenta ng delata sa mas mababang halaga, pumayag kaming babaan,” sabi ni Ong.

Aniya, ang mas mataas na presyo ng imported mechanically deboned meat, paghina ng piso, at giyera sa Ukraine ang nagpataas sa presyo.

Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng DTI ang petisyon ng mga manufacturer.

“As of this time, DTI continues to study and evaluate request for any price adjustment, tuloy-tuloy ang price adjustment. Kami po laging nagbabalanse, kami sa consumer protection group tinitingnan ang kapakanan ng consumer,” wika ni Ann Claire Cabochan, OIC ng Consumer Protection Group ng DTI.