HUMIRIT ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng umento sa daily minimum wage sa Central Luzon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng TUCP na itaas ang minimum wage sa Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales sa P820 mula P420.
Saklaw ng panukalang P400 dagdag-sahod ang P343.45 na kinompyut para sa daily food requirement, P39.90 para tugunan ang pagsirit ng consumer prices, at P17.22 para sa pagtaas ng inflation ngayong taon.
“The current minimum daily wage of P420 can only accord workers and their families nutritionally deficient survival meals, which if continuously unaddressed, an army of undernourished Filipino workers will have greater repercussions in the future of the country and the economy,” nakasaad sa petisyon.
“There is need to give substance to the country’s policy of inclusive development, and shared prosperity and burden,” dagdag pa ng grupo.
Hindi bababa sa 20 wage hike petitions ang nakabimbin sa Department of Labor and Employment (DOLE), para sa mga lugar na tulad ng Central Luzon, National Capital Region, Calabarzon, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Davao Region.
Sinabi ni DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay na inaasahang magpapalabas ng desisyon ang ahensiya bago mag-Mayo.