(Inihirit sa Kamara)TAX-FREE SA BALIKBAYAN BOXES NG OFWs

BALIKBAYAN BOXES

ISANG panukalang batas na naglalayong maging exempted o libre mula sa pagbabayad ng anumang duties and taxes ang balikbayan boxes na ipinadadala sa bansa ng overseas Filipino worker (OFWs) para sa kani-kanilang pamilya ang inihain sa Kamara.

Sa House Bill (HB) No. 6752, nakasaad din ang pag-aatas sa Bureau of Customs (BOC) na gumamit lamang ng “non-intrusive” methods, gaya ng x-ray o sa pamamagitan ng sniffing dogs, sa pagbusisi sa kahina-hinalang balikabayan boxes.

Pagbibigay-diin sa naturang proposed measure na ang hakbang na ito na “tax-free balikbayan boxes” ay paraan ng pamahalaan na masuklian ang malaking ambag ng mga OFW para manatiling matatag ang ekonomiya at dollar reserves ng bansa sa pamamagitan ng remittances o ipinadalang pera ng mga ito sa Pilipinas.

“These balikbayan boxes serve as the enduring testament of their sacrifice and hard work in order to secure a better future for their families back home. They represent their love and care for their families, who have to endure months or even years of separation from each other,” nakasaad pa sa HB 6752.

Nabatid na noong nakaraang taon, tinatayang nasa $30 billion ang kabuuang halaga ng remittances ng OFWs para sa kanilang pamilya o kaanak dito.

Nakapaloob din sa HB 6752 o “An Act instituting the Expanded Balikbayan Program’, na naglalayong maamyendahan ang Republic Act No. 6768, na una na ring narebisa sa bisa ng Republic Act No. 9174, na ang mga balikbayan ay maaaring makapagpadala sa bansa ng isang box kada buwan, na walang anumang babayarang buwis kahit pa magkano ang katumbas na halaga nito.

Sa kasalukuyan, base sa regulasyong itinakda ng BOC, kinakailangang ang nilalaman ng kada balikbayan box ay hindi lalagpas sa kabuuang halaga na P150,000.

Isinusulong din sa HB 6752 na bukod sa asawa at mga anak, kasama rin sa maaaring makatanggap o mapadalhan ng balikbayan boxes ang “parents, grandparents, brothers and sisters (whether full blood or half-blood), and relatives within the fourth degree of relationship” ng isang OFW.

ROMER R. BUTUYAN