INAALAM pa ng Department of Agriculture (DA) ang dahilan ng pagsipa ng presyo ng pulang sibuyas sa mga nakalipas na linggo.
Sa isang public briefing, sinabi ni DA Assistant Secretary at spokesperson Kristine Evangelista na base sa kanilang monitoring, ang pulang sibuyas ay ipinagbibili sa halagang P280 hanggang P300 kada kilo.
Kumpara ito sa P250 kada kilo na naitala noong November 11, at sa P180 kada kilo noong October 25.
“Nakita na po natin ‘yung pag-spike ng presyo ng pulang sibuyas… Ngayon kami ay nakikipag-ugnayan sa Bureau of Plant Industry para makita natin ang supply situation para makita natin ang kadahilanan ng pag-spike ng presyo,” ani Evangelista.
Sa kasalukuyan ay hinihintay, aniya, ng ahensiya ang report sa supply situation mula sa Bureau of Plant Industry base sa mga imbentaryo sa cold storage facilities.
Dagdag pa ng opisyal, hindi pa kinokonsidera ng pamahalaan ang pag-aangkat ng pulang sibuyas dahil may ani ang mga magsasaka sa Disyembre.
“Sabi po nila (farmers) mayroon sila harvest ng Disyembre… Titingnan natin ang volume na kanilang puwedeng i-harvest dahil iyan ay makatutulong sa pagdagdag ng supply.”