NAGLAAN ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng may P73.94 million na halaga ng quick response funds para sa mga naapektuhan ng bagyong Rosal.
Ayon kay DSWD spokesperson Romel Lopez, may 28 pamilya na kinabibilangan ng hanggang 150 indibidwal ang direktang naapektuhan ng bagyo sa Caraga at Western Visayas regions.
Aniya, may 65 indibidwal pa ang nasa evacuation centers.
“Iyong atin pong prepositioned na family food packs at ilan pa pong mga relief items ay aabot po sa 77,798. Available po ito sa mga disaster response center natin dito po sa [National Resource Operations Center], dito po iyan sa Pasay City,” pahayag ni Lopez sa isang televised briefing.
Sa kanyang pagtaya, ang food items at non-food items na ipamamahagi ng ahensiya ay nasa P797 million.