(Inilaan ng Senado) P1.5-B PARA SA TRAINING NG MGA GURO

TINANGGAP ng Senate Committee on Finance ang panukala ni Senador Win Gatchalian na maglaan ng pondo para sa training ng mga guro sa pagpapatupad ng MATATAG K to 10 curriculum.

Sa ilalim ng report ng Senate Committee on Finance sa General Appropriations Bill (House Bill No. 8980), P1.5 bilyon ang inilaan para sa training ng mga guro para sa MATATAG K to 10 curriculum.

Unti-unting ipatutupad ang naturang curriculum simula School Year (SY) 2024-2025 para sa Kindergarten, Grade 1, 4, at 7.

“Isa sa mga pinakamahalaga nating rekomendasyon ay para sa training ng mga guro kasunod ng pagpapatupad ng MATATAG curriculum. Nagrekomenda tayo ng P1.7 bilyon para sa paghahanda ng ating mga guro sa MATATAG curriculum simula School Year 2024-2025 at P1.5 bilyon ang inaprubahan. Humigit-kumulang 200,000 na mga guro sa Key Stage 1 at iba pang grade levels ang magiging saklaw ng training na ito,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Ani Gatchalian, isa ang MATATAG K to 10 curriculum sa mga hakbang na magpapaangat sa performance ng mga mag-aaral.

Bago ilunsad ang MATATAG K to 10 curriculum, pinuna ng mga eksperto na masyadong congested ang K to 12 basic education curriculum, kung saan masyadong maraming itinuturo sa mga bata. Nagiging sagabal ito upang matutunan nila ang mga essential competencies tulad ng literacy at numeracy.

Matatandaang sa naging resulta ng ilang large-scale international assessment tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), bigo ang mga mag-aaral ng bansa na matutunan ang mga basic competencies.

Sa 79 na bansang lumahok sa naturang pag-aaral, Pilipinas ang pinakamababa sa Reading at pangalawang pinakamababa sa Mathematics at Science.

Matapos ang dalawang taong pag-aaral, 3,600 na lamang ang natirang competencies sa MATATAG K to 10 curriculum, mas mababa ng 70% sa higit na 11,000 sa dating curriculum.

Ayon sa Department of Education (DepEd), tinututukan ng MATATAG K to 10 curriculum ang mga pundasyon ng kaalaman tulad ng literacy, numeracy, at socio-emotional skills.

Bahagi rin ng naturang curriculum ang peace competencies.

Hinimok na ni Gatchalian noon ang Teacher Education Council (TEC) na iangkop ang teachers’ training at education sa MATATAG K to 10 curriculum.

Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), itinatag ang TEC upang paigitingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC), at tiyaking nakahanay sa isa’t isa ang pre-service at in-service teacher education and training.

Mandato rin sa TEC na magtakda ng mga pamantayan para sa mga teacher education programs.

VICKY CERVALES