(Inilagay sa panukalang 2025 budget) P70-B PARA SA WAGE HIKE NG GOV’T WORKERS

NAGLAGAY ang Department of Budget of Management (DBM) ng P70 billion sa panukalang P6.352-trillion 2025 national budget para sa salary increase ng mga kawani ng pamahalaan.

“Naglagay tayo ng P70 billion for the increase of salaries of government employees,” pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa isang press briefing sa Malacañang nitong Huwebes.

Magugunitang sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ay nangako si Presidente Ferdinand Marcos Jr. na tataasan ang sahod ng mga empleyado ng gobyerno.

Sinabi ni Pangandaman na ang P70-billion allocation ay para sa wage adjustments ng mga empleyado ng pamahalaan ngayong taon at sa susunod na taon.

Aniya, ang nakatakdang salary hike para sa 2024 ay magiging retroactive sa susunod na taon, nangangahulugan na ang wage adjustments para ngayong taon ay mararamdaman ng state workers simula January 2025 kasabay ng umento na nakaiskedyul sa susunod na taon.

“As of now we are perfecting the executive order and we are hoping for the issuance of executive order soon,” sabi ni Pangandaman.