(Inilunsad ng DOLE) SERBISYO CARAVAN PARA SA MGA KASAMBAHAY

MAGSASAGAWA  ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng serye ng serbisyo caravan para sa mga kasambahay sa national at regional level sa pagdiriwang ngayong taon ng Araw ng mga Kasambahay. 

Ayon sa DOLE, layon ng programa na ilapit ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga kasambahay at magbigay ng impormasyon sa mga kasambahay at kanilang mga employer sa kanilang mga karapatan at responsibilidad sa ilalim ng Batas Kasambahay.

Binigyang-diin ng DOLE na ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga kasambahay sa kanilang lugar-paggawa ay nakasaad sa mandato ng kagawaran at isang pangmatagalang kontribusyon ito para sa isang matatag, maginhawa, at panatag na buhay sa Bagong Pilipinas.

Pinangunahan ng ahensiya, sa pamamagitan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), ang pambansang pagdiriwang na ginanap sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City noong Enero 18.

Sa ilalim ng slogan na #SerbisyoParaKayK, naghandog ng iba’t ibang serbisyo ang DOLE at mga katuwang na ahensiya nito, tulad ng Department of Social Welfare and Development, Social Security System, PhilHealth, PagIBIG Fund, at Philippine National Police.

Nag-alok din ng skills training sa ilalim ng slogan na #ParaSaFutureNiK para sa mga kasambahay bilang paghahanda sa kanila para sa mga alternatibong oportunidad sa trabaho.

Libre ang lahat ng mga serbisyo at pagsasanay na ibinigay sa mga lumahok na kasambahay.

Natatangi sa pagdiriwang ngayong taon ng Araw ng mga Kasambahay ang pagdaraos ng serbisyo caravan sa 16 regional offices ng ahensiya, kabilang ang iba’t ibang field, provincial, at satellite office nito.

Sa ilalim ng slogan na #ParaKayKSaBarangay, ang DOLE at ang mga katuwang na ahensiya nito ay magbibigay ng parehong serbisyo sa mga kasambahay sa lokal at barangay level, kasama rin ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa bansa.

Inaasahan na magdaraos ng pagdiriwang ang DOLE Regional Offices mula Enero 18 hanggang 31, 2024.

Ipinagdiriwang taon-taon ang Araw ng mga Kasambahay tuwing ika-18 ng Enero – ang petsa ng paglalagda ng Republic Act No. 10361 o ang Domestic Workers Act, na kilala rin bilang Batas Kasambahay.

Kinikilala ng batas na ito ang trabaho ng kasambahay na tulad din ng trabaho ng mga nasa pormal na sector at binibigyang-halaga ang mga kontribusyon ng mga kasambahay sa ekonomiya.

Pinalalakas din ng batas ang mga pamamaraan upang maprotektahan ang mga kasambahay sa kanilang lugar-paggawa.

LIZA SORIANO