INIREKOMENDA ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng wage subsidy program bilang ayuda sa mga kabilang sa middle class.
Ayon kay Salceda, sumulat siya sa Pangulo upang imungkahi ang pondong P45 billion para sa wage subsidy sa ilalim ng Payroll Support for Workers, Entrepreneurs, and Self-employed (PSWES) Program.
Partikular na makikinabang dito ang 5.98 milyong mga empleyado at manggagawa mula sa small and medium enterprises, gayundin ang mga sole entrepreneur at mga kabilang sa “gig economy” o iyong mga free-lancer, flexible, temporary at self-employed worker na kabilang sa middle class.
Paliwanag ni Salceda, apektado rin ang negosyo at trabaho ng mga nasa middle class dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Mahalaga aniyang matiyak na tuloy-tuloy ang operasyon ng mga negosyo dahil sa malaking ambag nito sa ekonomiya at job preservation.
Iminumungkahi ni Salceda ang wage subsidy sa mga middle class na 1/4 o 1/3 ng kanilang buwanang sahod na ibibigay sa loob ng dalawang buwan.
Ipamamahagi ang ayuda sa mga formal worker sa pamamagitan ng Social Security System (SSS), katuwang ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Department of Labor and Employment (DOLE).
Samantala, sa mga freelancer o mga kabilang sa gig economy, inirekomenda ng mambabatas ang open-application window katulad sa COVID Adjustment Measures Program (CAMP) ng DOLE. CONDE BATAC
Comments are closed.