(Inirekomenda ng IATF) PH AANGKAT NG 300K MT NG BIGAS

Rep-Karlo-Nograles

INIREKOMENDA ng Inter-Agency Task Force sa Office of the President ang pag-angkat ng kabuuang 300,000 metric tons ng bigas para matiyak ang sapat na suplay sa panahon ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, spokesman ng task force, ang proposal ng Department of Agriculture (DA) ay isasagawa ng Philippine International Trading Corporation (PITC) sa pamamagitan ng  government-to-government arrangements.

“Inirerekomenda ng IATF sa Office of the President ang proposal ng DA na mag-import ng 300,000 metric tons ng bigas para matiyak na hindi po tayo maubusan ng supply,” wika ni Nograles sa isang press briefing.

Karagdagan ito sa mga nakalatag nang importasyon ng bigas bago pa man ang COVID-19 pandemic.

Ang bansa ay maaaring umangkat ng bigas sa Vietnam, Myanmar, India at China.

Sinabi ng DA noong Sabado na may rice stocks ang Filipinas na sapat para sa pangangailangan ng buong bansa sa panahon na pinaiiral ang Luzon-wide enhanced community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Sapat po ang ating supply ng bigas para sa Metro Manila at sa buong bansa. Nitong buwan ng Marso, mayroon po tayong rice inventory good for 75 days,” wika ni Agriculture Secretary William Dar,

Tiniyak din ni Department of Trade and Industry(DTI)  Secretary Ramon Lopez noong Lunes na may sapat na pagkain ang bansa na tatagal hanggang sa pagtatapos ng enhanced community quarantine.