(Inirekomenda ng LTFRB) SUSPENSIYON NG LISENSIYA NG JEEPNEY DRIVER SA BODY-SHAMING

INIREKOMENDA ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Land Transportation Office (LTO) ang pagsuspinde sa lisensiya ng jeepney driver na sangkot sa body-shaming sa isang pasahero.

Ginawa ng LTFRB Board ang rekomendasyon alinsunod sa Land Transportation and Traffic Code.

Pagmumultahin din ng LTFRB ang driver at ang jeepney operator ng P15,000.

“The act of the driver and his conductor is not only abominable but has no place in a civilized society. The degradation and humiliation suffered by the complainant, coupled with the brazen admission and unapologetic behavior of the driver and his conductor, deserved a scant penalty from this office,” ayon sa LTFRB Board.

Nauna rito ay naghain ng reklamo ang isang 29-anyos na pasahero sa LTFRB makaraang pababain umano siya ng jeepney driver dahil sa pagiging overweight.

Dagdag pa ng pasahero, sinisi rin siya ng driver at ng asawa nito sa pagkaka-flat ng kanilang gulong.