(Iniutos ng DOLE) PAG-INSPEKSIYON SA FIRMS NA MAY FOREIGN WORKERS

Labor Secretary Silvestre Bello III-2

IPINAG-UTOS ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang  pag-iinspeksiyon sa mga establisimiyento sa buong bansa na nag-eempleyo ng mga dayuhan.

Sa isang administrative order, binigyan ni Bello ng awtorisasyon ang 385 labor inspectors na i-validate ang Alien Employment Permits, i-monitor ang pagsunod ng mga establisimiyento sa Joint Memorandum Circular (JMC) 20-4A o ang Department of Trade and Industry (DTI) at (DOLE) Supplemental Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19, at iba pang verification-related activities hanggang June 30, 2022, maliban na lamang kung maagang bawiin.

Ayon sa DOLE, ang mga direktiba ay nakapaloob sa Administrative Order No. 14, series of 2022, na inisyu ng Labor chief noong January 21.

Inaatasan din ang mga labor inspector na beripikahin ang pagiging lehitimo ng kompanya.

Kabilang sa mga iinspeksiyunin ng DOLE ang listahan ng alien employment permit applicants, foreign nationals na nagtatrabaho sa panahon ng pagbeberipika, at ang talaan ng local employees.

Ayon sa ahensiya, sa Luzon ay 118 labor inspectors para sa foreign nationals ang itinalaga sa National Capital Region, 12 sa Cordillera Administrative Region, 9 sa Ilocos Region, 60 sa Cagayan Valley Region, 31 sa Central Luzon, 30 sa Calabarzon, 10 sa Mimaropa, at 14 sa Bicol Region.

Siyam na labor inspectors naman ang itinalaga sa Western Visayas, 24 sa Central Visayas at  11 sa Eastern Visayas.

Sa Mindanao, siyam na labor inspectors ang itinalaga sa Zamboanga Peninsula, 18 sa Northern Mindanao, 12 sa  Davao region, 11 sa SOCCSKSARGEN, at pito sa Caraga.