(Iniwan ng mga bumisita sa Luneta) DENR DISMAYADO SA GABUNDOK NA BASURA

LUNETA

DISMAYADO  ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa 50 tonelada ng basurang iniwan ng mga bumisita sa Luneta Park nitong Kapaskuhan.

Ayon sa DENR, pumalo sa 50,000 kilo ng basura ang nakolektang basura sa Luneta Park.

Iginiit ni DENR Undersecretary Benny Antiporda, ang gabundok na basurang iniwan ng mga bumisita at nagdiwang ng Pasko sa Luneta ay patunay na lamang ng kawalan ng disip­lina ng mga Filipino at kawalan ng pakialam ng mga ito sa kapaligiran.

Aniya, dapat na maging responsable sa kanilang mga basura ang bawat isang bumibisita sa mga pampulikong lugar.

Dagdag pa nito, hindi tamang iasa na lamang ng mga ito ang pagtapon at paglilinis sa kanilang mga iniwang basura sa mga garbage collector at street sweepers.

Pahayag pa ni Antiporda na dapat nang iwan ng mga Filipino ang bulok na kaisipan na mayroong maglilinis para sa kanila.

Samantala, hinikayat naman ni Antiporda ang lokal na opisyal ng pamahalaan na huwag mag-alinlangan na patawan ng parusa ang sinuman na mahuhuling nagkakalat sa paligid. DWIZ 882