INANUNSIYO kahapon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang surprise 75 basis-point hike sa interest rate nito, bago ang nakatakdang monetary policy-setting meeting sa Agosto 18 sa gitna ng pagbilis ng inflation.
Ayon kay BSP Governor Felipe Medalla, epektibo kahapon, Hulyo 14, ang overnight reverse repurchase rate ay 3.25 percent na mula 2.5 percent noong Hunyo.
Ang overnight deposit at lending rates ay itinaas naman sa 2.75 percent atb 3.75 percent, ayon sa pagkakasunod.
“In raising the policy interest rate anew, the Monetary Board recognized that a significant further tightening of monetary policy was warranted by signs of sustained and broadening price pressures amid the ongoing normalization of monetary policy settings,” ani Medalla.
Sinabi naman ni BSP Deputy Governor Francisco Dakila Jr. na ito na ang pinakamalaking rate hike na ipinatupad ng central bank sa kasalukuyan. Ang huling pagkakataon na nagpatupad ang Monetary Board ng out-of-schedule policy action ay noong Abril 16, 2020 nang ang rates ay binawasan ng half a point sa 2.75%.
Ilang major central banks, kabilang ang United States Federal Reserve, ang nagtaas ng rates para malabanan ang tumataas na inflation sa kanilang mga bansa.
Sa Pilipinas, ang inflation ay sumirit sa 6.1% noong Hunyo — ang pinakamabilis sa loob ng halos apat na taon. Dahil dito ay naitala ang average inflation para sa first half ng 2022 sa 4.4%, mas mataas sa 2-4% target ng central bank ngayong taon.
“By taking urgent action, the Monetary Board aims to anchor inflation expectations further and temper mounting risks to the inflation outlook. In particular, policy action is intended to help manage spillovers from other countries that could potentially disanchor inflation expectations,” sabi ni Medalla.
Dalawang beses nang itinaas ng Monetary Board ang interest rates ngayong taon — 25 basis points noong Mayo, at panibagong 25 basis points noong Hunyo.