INTEREST RATE NANATILI SA 6.25%

INTEREST RATES

NAGPASYA ang Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na panatilihin ang interest rates sa ikatlong sunod na pagpupulong nito kahapon sa kabila ng inaasahang mas mataas na inflation para sa taon.

Matapos ang kanilang policy meeting, sinabi ni BSP Governor Eli Remolona na mananatili ang interest rate sa overnight reverse repurchase facility ng BSP sa 6.25%.

“The interest rates on the overnight deposit and lending facilities were thus retained at 5.75% and 6.75%, respectively,” ayon kay Remolona.

Ang monetary policy o interest rates ay kabilang sa tools na ginagamit ng central banks para mapatatag ang inflation sa pamamagitan ng pagkontrol sa money supply sa pagtaas ng borrowing costs.

Magmula noong Mayo ng nakaraang taon, ang interest rates ay tumaas na ng kabuuang 425 basis points upang mapahupa ang tumataas na inflation.

Ang hindi paggalaw ng interest rates ay kaugnay sa “long pause” stance ng BSP sa pag-a-adjust ng monetary policy sa harap ng patuloy na pagbaba ng inflation.

Ang inflation ay bumaba sa ika-6 na sunod na buwan noong July sa 4.7% mula 5.4% noong June sa gitna ng mas mabagal na paggalaw sa presyo ng utility, pagkain, at transportasyon.

Bagama’t pinanatili ang rates, ang BSP ay umaasang ang inflation ay magtatala ng average na 5.6% ngayong taon, mas mataas sa 5.4% projection sa June meeting nito.