INTERNET SA PINAS POSIBLENG LUMAKAS SA 2021; PONDO NG DICT TINAASAN SA ILALIM NG 2021 NAT’L BUDGET

TATAK PINOY

MATATAPOS na kaya ang problema natin sa sablay na internet connection natin sa bansa sa susunod na taon?

Napakalaking tanong. Kumbaga sa English phrase: a million dollar question.

Pero mas maganda po, maging positibo muna ang ating pananaw. Dahil mula sa mahigit P900 milyong proposed budget sa National Expenditure Program para sa Department of Information and Communications Technology o DICT, itinaas natin ito sa P1.9B nang ipasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso  ang P4.5 trilyong national budget para sa susunod na taon.

Asahan po natin ang paglarga ng internet connection sa bansa, maging sa malalayong lugar. na dati ay hindi naaabot ng koneksiyon. Ito ay matapos ang first phase ng National Broadband Program (NBP) ng DICT.

Bukod pa po riyan ang paniniguro sa malakas na internet service sa mga pampublikong lugar, partikular sa ating SUCs o state universities and colleges. Talagang karapat-dapat lang naman na mapalakas ang internet connection sa mga paaralan ng estado dahil malaking tulong ito sa ating mga mga-aaral.

Nakasanayan na po kasi ng mga estudyante natin, lalo na ang mga walang internet sa bahay na magpupunta sa mga net café para makapag-research o makagawa ng assignment kahit inaabot na ng dis-oras ng gabi. Pero kung mayroon silang maayos na internet sa SUCs, hindi na daranas ng ganitong hirap ang mga bata.

Sa panahong ito po, talagang kailangang-kailangan natin na mapalakas ang ating internet infra. Isa ‘yan sa mga pinakamahahalagang pangangailangan natin ngayon sa bansa. ‘Pag sinabi po kasi  nating build, build, build, hindi lang ibig sabihin niyan ay mga tulay, kalye o lansangan — lahat po halos ng imprastraktura, sakop niyan, tulad ng internet infrastructure. Malaki ang papel nito sa pag-arangkada ng ating kalakalan.

Ngayong patuloy tayong hinahagupit ng pandemya, malaking tulong dapat ang online transactions na magiging posible lamang kung may maayos din tayong internet connection. Iyan ay bahagi na ngayon ng tinatawag nating new normal.

Kung dati, nagtitiyaga tayong pumila sa mga transaksiyon natin sa gobyerno at sa iba pang mga pribadong kompanya o sektor, ngayon, nakadepende tayo sa internet dahil online na ang pakikipag-ugnayan natin.

Maging sa sektor ng edukasyon —  ang paraan ng pagtuturo ng mga guro, online na rin. Napakalaking hamon ito sa mga guro, dahil hindi madali ang paghahatid ng kaalaman sa mga estudyante sa ganitong estado ng ating internet. Paano naman magiging epektibo ang pagtuturo kung iyong 15 minuto ng inyong asignatura ay kinain na lang ng putol-putol na koneksiyon?

Isa pa, napakamahal ng internet subscriptions natin. Pero sa sandaling maipatupad na ang national broadband program, ayon nga sa pangako ng DICT, malaking halaga ang ibababa ng subscription rates natin.

Sabi po ng DICT, maaaring bumaba ang gastusin ng gobyerno sa internet subscription kapag natapos ang first phase ng NBP.

Ayon nga po sa ahensiya, sa kasalukuyan daw, P350 per mbps of internet bandwidth ang binabayaran ng mga tanggapan ng gobyerno kada buwan.

Ibig sabihin, kahit ang isang maliit na government agency na gumagamit ng 100 mbps internet connectivity, na pinagsasaluhan na ng lahat ng kawani sa buong gusali nila, gumagastos ng P35,000 kada buwan o P420,000 kada taon. Ganoon kabigat na bayarin para sa internet connection na lulubog-lilitaw.

Pero ayon sa DICT, sa kanilang pangako, itong nabanggit nating halaga ay maaaring bumaba nang mula P5,000 kada buwan na lamang mula sa tinatayang P35,000 o P60,000 na lang kada taon mula sa P420,000.

Malaking ginwaha. At sana, magbunga ng positibong resulta. Sa panahong ito, ganito ang mga balitang nais nating marinig at maramdaman sa mga susunod na araw.

Kung magkakagayon po, makatitipid ang gobyerno ng mahigit P700 milyon sa kanilang internet subscription sa unang taon pa lang ng NBP implementation.

Comments are closed.