NAGKASUNDO ang ABS-CBN Corp. at TV5 Network Inc. na iantala ang pagselyo sa kanilang investment deal upang tugunan ang mga isyu na inilutang ng mga mambabatas at ng National Telecommunications Commission (NTC).
“This pause will give the space for both media organizations to respond to the issues, and accommodate any relevant changes to the terms,” pahayag ng dalawang networks sa isang statement na inilabas nitong Miyerkoles.
Nakatakdang imbestigahan ng House committees on legislative franchises, at trade and industry ang pagbili ng ABS-CBN ng mahigit sa one-third ng TV5.
Kabilang sa mga isyu na inilabas ng mga mambabatas ay ang umano’y foreign ownership ng TV5 at ang block time agreement ng dalawang networks.
Naunang sinabi ng NTC na rerepasuhin nito ang umano’y mga paglabag ng ABS-CBN na tinalakay ng 18th Congress.
“Both ABS-CBN and TV5 believe that an agreement between the two media companies will have a favorable impact on Philippine media, and on free-to-air television – which remains the most affordable and extensive source of entertainment and public service to Filipinos,” ayon sa dalawang networks.
Ang ABS-CBN ay nag-off the air noong Mayo 2020 kasunod ng cease-and-desist order ng NTC dahil sa expiration ng kanilang legislative franchise.
Kalaunan ay ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang aplikasyon nito para sa panibagong 25-year franchise.
Ang media giant ay pumasok sa block time agreements sa Zoe Broadcasting Network at TV5 upang iere ang mga programa nito sa free television.