NAKATAKDANG magpalabas si Presidente Rodrigo Duterte ng isang executive order na nagkakaloob ng mga insentibo sa fully vaccinated beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan, ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Joselito Bautista.
Ginawa ni Bautista ang pahayag kahapon sa kanyang pagbisita sa iba’t ibang vaccination centers sa Zamboanga City.
Bilang Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) ng Zamboanga Peninsula (Region 9), binisita ni Bautista ang lungsod upang i-monitor ang resulta ng three-day National Vaccination Days na nagsimula noong Lunes at magtatapos ngayong araw.
“The President will issue an executive order on how to grant incentives to the members of 4Ps once they submit themselves for vaccination without violating the regulations governing the program (4Ps),” sabi ni Bautista sa kanyang pagbisita sa vaccination center sa Barangay Sta. Maria.
Ayon kay Bautista, maraming 4Ps beneficiaries ang interesado ngayong magpabakuna makaraang magsagawa ang gobyerno ng remote family development sessions at namahagi ng reading materials habang ipinatutupad ang “no face-to-face meeting” policy sa panahon ng pandemya.
Aniya, binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagbabakuna laban sa COVID-19 sa isinagawang family development sessions.
“We explained to them that they really need to be vaccinated not just for their own protection but also for the sake of their families,” ani Bautista.
Sa datos ng DSWD regional office, may 119,671 4Ps beneficiaries ang tumanggap na ng kanilang COVID-19 vaccines hanggang November 29.
Kumakatawan ito sa 40 percent ng kabuuang 4Ps beneficiaries sa rehiyon base sa report na isinumite sa kanya ng regional office. PNA