MALAKING tulong ang fuel subsidies sa mga operator at tsuper na apektado sa tuloy-tuloy na taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Sonny Angara kaugnay sa fuel subsidies na ipinagkakaloob ng gobyerno sa transportation sector.
Ayon sa senador, kabuuang P3 bilyon ang inilagak sa pambansang budget (General Appropriations Act) ngayong taon para sa transport fuel subsidies ng may 1.3 milyong benepisyaryo.
Base sa nilalaman ng fuel subsidy program, P10,000 ang ibibigay sa kada tsuper ng modernized public utility vehicles (PUVs); P6,500 naman para sa drivers ng traditional PUVs; P1,200 sa delivery riders at P1,000 sa tricycle drivers.
“Eleven weeks nang tuloy-tuloy ang taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
At talagang napakalaking kalbaryo nito para sa PUV drivers. Malaki ang gastos, maliit ang kita – ganyan ang nangyayari sa kanila. Ang ibig sabihin, kahit ilang oras silang bumibiyahe, hindi pa rin nila mabibigyan ng sapat na pagkain ang kani-kanilang pamilya,” ani Angara, chairman ng Senate Committee on Finance.
“Mahalaga ang ginagampanang tungkulin para sa bayan ng ating PUV operators at drivers, at kung ano ang kayang ibigay na tulong sa kanila, kabilang na ang ayuda sa pambili ng langis, ay makatutulong para masiguro na tuloy-tuloy ang kanilang serbisyo para sa ating mga mananakay,” dagdag pa ng senador.
Nilinaw ni Angara na hindi ito ang kauna-unahang pagkakaloob ng gobyerno ng fuel subsidies sa transport sector. Aniya, maging noong 2022, kabuuang P2.5 bilyon ang ibinuhos sa Department of Transportation para sa programa.
Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, nagpanukala ang ehekutibo ng panibagong P2.5-B na ilalaan sa fuel subsidies para sa transport sector.
Sa 2023 GAA o sa umiiral na national budget, ipinaliwanag ni Angara na bagaman P2.5-B lamang ang proposed budget ng Palasyo para sa fuel subsidies, dinagdagan ito ng Kongreso ng P500 milyon.
Bilang reaksyon naman sa kautusan ng Commission on Elections na hindi sakop ng BSKE election ban ang distribusyon ng fuel siubsidies, sinabi ni Angara na walang dahilan upang magkaroon ng delay sa implementasyon ng fuel subsidy program.
“Kung naisumite na rin lang ang mga kinakailangang requirement at identified na ng mga kinauukulan ang mga benepisyaryo ng fuel subsidy, dapat ay maging mabilis ang Landbank of the Philippines sa downloading ng fuel subsidies sa mga identified beneficiaries,” diin ni Angara.
Bukod sa P3 bilyong ibinigay sa transport sector, sinabi ng senador na P1 bilyon din sa ilalim ng 2023 GAA ang inilaan bilang fuel assistance sa mahigit 300,000 magsasaka at mangingisda.
Sa naturang P1 bilyon, P510-M ang inilagak sa Department of Agriculture bilang fuel assistance sa mga magsasaka, habang P489.6 milyon naman para sa mga mangingisda na inilagak naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Matatandaan na nitong 2022, pinaglaanan din ng P500 milyon ang DA para sa kanilang fuel assistance program, na itinaas sa P1 bilyon ngayong taon sa ilalim ng 2023 national budget.
–VICKY CERVALES