(Ipamamahagi ng DOTr kung magpapatuloy ang oil price hike)FUEL SUBSIDY SA PUV DRIVERS

JEEP-DOTr-LTFRB

INIHAYAG ng Department of Transportation (DOTr) na kanilang ipamamahagi ang ayuda para sa public utility vehicle (PUV) drivers kapag inabot ng tatlong buwan ang mataas na presyo ng krudo sa international market.

Ayon kay DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor, patuloy na tumataas ang halaga ng Dubai crude oil batay na rin sa resulta ng Mean of Platts Singapore (MOPS).

Sinabi ni Pastor, na sakaling lumampas sa 80 dollars ang presyo sa kada bariles ng Dubai crude oil, maari silang mamahagi ng fuel subsidy.

Nanawagan naman ang opisyal sa mga driver na hintayin na lamang ang implementasyon dahil pinag-aaralan pa nila ang nasabing programa matapos pondohan ng P3 bilyon alinsunod sa 2023 General Appropriations Act.

Kabilang sa pinag-aaralan ng ahensiya ang opsyon na gawing isahan na lang o dalawang bugso ang bigayan ng fuel subsidy na pangungunahan naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pama­magitan ng cash card o fuel voucher. DWIZ 882