TARGET ng Department of Trade and Industry (DTI) na mamahagi ng P600-million na halaga ng livelihood support sa maliliit na kompanya.
Gayunman ay kakailanganin nito ng exemption sa election ban sa spending.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, target ng ahensiya na magkaloob ng 105,394 livelihood kits, kabilang ang 1,500 benepisyaryo para sa bawat rehiyon sa April, May, at June, na katumbas ng 300 hanggang 400 livelihood kits kada probinsya.
Subalit sinabi ni Lopez na tatalakayin pa ito sa gitna ng election ban sa public spending para sa imprastruktura at iba pang proyekto na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec).
“Importante ho na makakuha tayo ng Comelec exemption. Importante ho ngayong kailangan ng tao ng kabuhayan lalo na dahil sa pandemya kaya kailangan po maipagpatuloy natin ito,” sabi ng DTI chief sa isang report kay Presidente Rodrigo Duterte nitong Miyerkoles.
Nauna nang iniulat ng DTI na 10% ng MSMEs ay napilitang magsara hanggang noong June 2021 dahil sa pandemya. Tumaas ito ng hanggang 52.66% noong May 2020, sa kasagsagan ng quarantines.
Ani Lopez, nakikipag-ugnayan na ang DTI sa Comelec para sa exemption application, kung saan ang pamamahagi ay nakatakda ngayong linggo — sa Cebu sa Huwebes, March 31, at sa Laguna sa Biyernes, April 1.
Sa kaparehong briefing ay tiniyak ni Lopez sa publiko na may sapat na basic necessities and prime commodities (BNPCs) ang bansa na tatagal ng hanggang 12 buwan.
“Manufacturers’ inventory of canned fish is good for 18.33 to 50 days, canned meat from 14.5 to 56.25 days, milk from 25 to 52 days, instant coffee from 13 to 65 days, bottled water from four to 365 days, instant noodles from 12 to 14 days, condiments from 11 to 36 days, and flour at 90 days,” ayon sa DTI.
Samantala, ang retailers’ inventory ng canned fish ay mula 59 hanggang 65 araw, canned meat mula 62 hanggang 72 araw, gatas mula 23 hanggang 41 araw, instant coffee mula 45 hanggang 49 araw, at instant noodles mula 28 hanggang 32 araw.