INANUNSIYO ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy sa mga pampublikong transportasyon sa National Capital Region (NCR).
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na higpitan ang magiging galaw ng mga indibiduwal na hindi bakunado laban sa COVID-19 sa Metro Manila.
Sa Department Order (DO), sinabi ng ahensiya na epektibo ang naturang polisiya habang umiiral ang COVID-19 Alert Level 3 o mas mataas sa Metro Manila.
“Public transport via land, rail, sea and air will be limited to fully vaccinated individuals, or those who have waited two weeks after completing two doses of the COVID-19 vaccine. It also applies to passengers who have received the single-dose Johnson & Johnson Janssen vaccine,” nakasaad sa Department Order No. 2022-001 na may petsang January 11 at inilabas nitong Miyerkoles.
Ang mga pasahero ay kailangang magprisinta ng physical o digital copies ng vaccine card ng inisyu ng local government unit o vaccine certificate na ipinagkaloob ng Department of Health (DOH), o anumang dokumento na itinakda ng Inter-Agency Task Force (IATF), gayundin ng valid government-issued ID na may picture at address.
Exempted naman sa polisiya ang mga indibiduwal na may medical condition na pumipigil sa buong COVID-19 vaccination, base sa medical certificate na may pangalan at detalye ng kanilang doktor;
at mga indibiduwal na bibili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot, medical devices, public utilities, energy, trabaho, at medical and dental necessities, base sa barangay health pass o iba pang katibayan ng pagbiyahe.
“Essential goods and services include, but are not limited to, food, water, medicine, medical devices, public utilities, energy, work, and medical and dental necessities,” ayon sa DOTr.
Magiging epektibo ang DO matapos maisapubliko sa Official Gazette o mga pahayagan, at matapos makapagsumite ng kopya sa Office of the National Administrative Register, U.P. Law Center.