(Ipinagkaloob ng DOLE) P20-M AYUDA SA INFORMAL SECTOR WORKERS

Labor Secretary Silvestre Bello III-a

MAHIGIT 800 vulnerable workers sa National Capital Region (NCR) ang tumanggap ng kabuuang P20 milyong tulong pinansiyal mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa  DOLE, ang ayuda ay ipinagkaloob sa Labor Day for the Informal Sector Workers na idinaos noong Lunes sa Arroceros, Manila.

Bahagi ng economic recovery efforts ng pamahalaan, ipinamahagi ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ayuda sa  vulnerable at marginalized workers na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Bello, ang mga benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ay tumanggap ng bicycle units, electronic loading business, bigasan package, frozen goods, home care products, Nego-Kart (Negosyo sa Kariton), o banca.

Ang mga benepisyaryo naman ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ay sumailalim sa  emergency employment sa loob ng 10 araw at tumanggap ng tig-P5,370 bilang kanilang sahod.

Binigyang-halaga ni Bello ang malaking kontribusyon sa ekonomiya ng mga manggagawa sa informal sector at muling binanggit ang layunin ng Kagawaran na palakasin ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng emergency employment o pagsusulong ng entrepreneurship at mga negosyo ng komunidad.

Binigyang-diin din ng labor chief ang mga social amelioration program ng administrasyong Duterte at ang kahalagahan ng whole-of-government approach upang tulungan ang marginalized sector na makabawi mula sa epekto ng pandemya.

Batay sa March 2022 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), 36.2 porsiyento o 17.016 milyon ng kabuuang bilang ng mga may trabaho ang maaaring ituring na mga manggagawa sa informal sector.

Ayon sa PSA, ang informal sector  ay binubuo ng mga yunit “engaged in the production of goods and services with the primary objective of generating employment and income to the persons concerned in order to earn a living.”

Ang naturang mga yunit ay karaniwang nag-o-operate sa mababang antas ng organisasyon, na may maliit o walang dibisyon sa pagitan ng labor at capital bilang mga salik ng produksiyon. LIZA SORIANO