(Ipinagkaloob ng DOLE sa Bicol) P156-M EMPLOYMENT, LIVELIHOOD ASSISTANCE

BILANG pagtupad sa pangako nito na abutin ang mas maraming manggagawa na nangangailangan, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nagkaloob ng emergency at livelihood assistance sa mahigit 31,000 manggagawa at benepisyaryo sa Bicol Region noong Setyembre 13.

Pinangunahan ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang pamamahagi ng mahigit P156 million na halaga ng tulong sa pamamagitan ng DILEEP (DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Programs) nito.

Bukod sa naturang mga programa, nagsagawa rin ng job fairs sa limang lalawigan sa Bicol — Sorsogon, Camarines Norte, Catanduanes, Masbate, at Albay, kung saan mahigit 2,000 trabaho ang inialok sa Bicolano jobseekers.

Ang naturang mga aktibidad ay isinagawa ng labor department bilang suporta sa nationwide launching ng Handog ng Pangulo: Serbisyong Para sa Lahat Program, isang serye ng mga inisyatiba na naglalapit sa government services sa mga Pilipino at tumutulong sa kanila na makapagsimula ng kabuhayan at suportahan ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma ang kahalagahan ng mga aktibidad na ito, tinukoy ang direktang epekto nito sa buhay ng mga Pilipino, partikular ang mga nasa vulnerable sectors.

“Ang mga programang ito, mula sa job fair hanggang sa TUPAD payouts at livelihood distributions ay sumasalamin sa layunin ng ating mahal na Pangulo at ng ating pamahalaan: ang pagbibigay ng sapat at de-kalidad na serbisyo para sa bawat Pilipino,” sabi ni Secretary Laguesma.

Hinikayat ng Labor chief ang mga benepisyaryo at job seeker na samantalahin ang mga oportunidad upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

“Kaya naman, sa ating mga kababayan, samantalahin po natin ang mga programang ito. Maghanda para sa inyong mga job interviews, tanggapin ang mga benepisyong inyong natamo, at gamitin ang mga livelihood packages para sa mas maunlad na pamumuhay,” dagdag pa ni Laguesma.

Ang kalihim ay sinamahan sa event nina Labor Undersecretary Atty. Benjo Santos M. Benavidez ng Workers’ Welfare and Protection Cluster, DOLE Bicol OIC Regional Director Imelda E. Romanillos, at Provincial Heads Mary Jane L. Rolda of Sorsogon, Ella Verano ng Camarines Sur, Cherry Mosatalla ng Camarines Norte, Ching Banania ng Albay, Eduardo Lovedorial ng Catanduanes, at Lynette dela Fuente ng Masbate.